CEBU CITY – Nasa 30 katao, karamihan ay bata, ang namatay dahil sa diarrhea sa Central Visayas simula Enero hanggang Hulyo ng taong ito, ayon sa Department of Health (DoH)-7.
Sa kabuuan ng mga nasawi sa diarrhea, 28 ang nagmula sa Cebu City habang ang dalawa pa ay nagmula sa bayan ng Sibonga. Nilinaw naman ng kagawaran na hindi sa iisang barangay lang nagmula ang mga pasyente.
Mula Enero hanggang Hulyo, sinabi ng DoH na tumaas ng 52 porsiyento ang mga kaso ng diarrhea sa Cebu na pumalo na sa halos 3,000 mula sa 1,984 sa kaparehong panahon noong 2015, na 10 naman ang nasawi.
Ayon sa Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU)-7, karamihan sa mga kaso ay dahil sa kontaminadong pagkain o tubig. (Mars W. Mosqueda, Jr.)