Tatlong tax examiner ang sinuspinde ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa kasong grave misconduct kaugnay sa tangkang pangingikil.
Sina Susan R. Ferrer, Rogelio N. Jugao, at group supervisor Crisanto M. Olazo, pawang nakatalaga sa Revenue District Office (RDO) No. 40, Cubao, Revenue Region No. 7, Quezon City, ay pinatawan ng 90-araw na suspensyon sa tangkang pangingikil ng P33 milyon sa isang negosyante kapalit ng pag-ayos sa mahigit P100 milyon na kulang nito sa tax assessment.
Sa inilabas na pahayag ni BIR Commissioner Caesar Dulay, inaatasan ang tatlong opisyal na i-turn over ang lahat ng public property na nasa kanila at mga hindi natapos na gawain.
“Criminal cases will also be filed against the aforesaid revenue personnel before a proper court,” saad sa bahagi ng pahayag ng BIR. (Rommel P. Tabbad)