SAINT-ETIENNE-DU-ROUVRAY, France (AFP) – Nilusob ng dalawang sundalo ng Islamic State ang isang simbahan sa hilagang France habang idinaraos ang pang-umagang misa, binihag ang tatlong madre, isang mananampalataya at pinatay ang pari noong Martes.
Nangyari ang hostage drama sa bayan ng Saint-Etienne-du-Rouvray sa Normandy halos dalawang linggo matapos ang truck attack sa French Riviera city ng Nice, na ikinamatay ng 84 katao.
Pumasok ang dalawang lalaki sa 17th century Eglise Saint-Etienne church habang nagmimisa ang 86-anyos na si Fr. Jaques Hamel.
Ayon sa saksing si Sister Danielle, nakaluhod sa altar si Hamel nang puwersahan siyang patayuinng mga salarin, sinabihang huwag gumalaw at ginilitan sa leeg. Nagsasalita diumano ng Arabic ang mga suspek at sumigaw na nirekord nila ang pag-atake. Nakatakbo ang madre at nagsumbong sa pulisya.
Nakaengkuwentro ng mga salarin ang isang unit ng French police na daluhbasa sa hostage situations habang paalis ng simbahan, at sila ay nabaril at napatay.
Ligtas na nakalaya ang tatlong bihag habang nasa malubhang kalagayan ang isa pa.
Ayon sa French investigators, isa sa mga suspek ay si Adel Kermiche, na kinasuhan kaugnay sa terorismo ngunit pinalaya matapos makapagpiyansa at kinabitan ng electronic monitoring bracelet.
Sinabi ni President Francois Hollande na sinabi ng mga lalaki na kumikilos sila para sa IS bago nabaril at napatay ng mga pulis.
Armado ang mga ito ng patalim, lumang baril na hindi pumutok at ‘’fake package’’ na pinalabas na naglalaman ng pampasabog.
Iniulat ng IS-linked Amaq news agency, na ang mga salarin ay ‘’soldiers of the Islamic State who carried out the attack in response to calls to target countries of the Crusader coalition’’.
Nagpahayag si Pope Francis ng ‘’pagkadismaya sa pagpatay sa pari.
‘’The whole of France and all Catholics are wounded. We will stand together,’’ sulat ni Prime Minister Manuel Valls sa Twitter.
Nasa high alert ang France matapos ang tatlong malalaking pag-atake sa loob ng 18 buwan.