Tumataginting na P1 milyon ang mapapanalunan sa raffle draw nang masuwerteng manonood sa gaganaping World Series of Fighting-Global Championship sa Biyernes, sa Araneta Coliseum.
Ito ang inihayag ng mga promoter na sina Vince at Dunessa Hesser kasama si Ferdie Munsayac sa pagdalo nitong Martes sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s, Malate.
Idedepensa ng kasalukuyang heavyweight champion Evgeny Erokhin ang kanyang titulo kontra Richard “The Black Eagle’ Odoms mula sa U.S sa main event ng laban sa itinataguyod ng WSOF-GC, ang pinakabagong Mixed Martial Arts (MMA) promotions sa mundo.
Napanalunan ni Erokhin ang heavyweight title sa Tokyo, Japan noong Pebrero sa itinala na first round TKO kontra kay Brandon Cash. Napanood ni Odom ang laban kung saan sumabak din ito sa undercard at nagawang talunin sa first round knockout ang Japanese na si Yusuke Kawaguchi.
“It’s such a big event. They’re here to make their mark in the Philippine MMA industry,” sambit ni Underground Battle/MMA CEO Ferdie Munsayac.
Pamumunuan naman ni Mario Sismundo ang mga Pilipinong fighter na sasabak sa torneo na magsisimula sa ganap na 6:00 ng gabi. Ang kahawig ni boxing champion Manny Pacquiao na si Sismundo ay sasagupa kay Keremuaili Maimaitituoheti ng China sa Philippines vs. The World match. (Angie Oredo)