Pinayuhan ni Senator Leila de Lima si House Speaker Pantaleon Alvarez na magsaliksik muna kung ano ang mga nagawa niya sa New Bilibid Prison (NBP) noong siya pa ang kalihim ng Department of Justice (DoJ) bago siya nito imbestigahan.

Ito ang reaksyon ni De Lima sa banta ni Alvarez na magsasagawa ito ng imbestigasyon matapos igiit ng senadora na iimbestigahan niya ang summary executions sa mga pinaghihinalaang drug pusher/user.

“Mag-research naman po sila kung ano po ang aking mga ginawa sa pakikilaban din sa ilegal na droga, noong nasa DOJ pa ako. Huwag naman ho silang ganyan na parang nag i-insinuate sila na parang ako na ngayon ang coddler ng mga drug addict, pushers. It’s so, so, so unfair. So sana po ganun ang gawin,” ani De Lima.

Ipinaalala ni De Lima na sa ilalim ng kanyang pamumuno nagsimula ang “Oplan Galugad” o ang mga sorpresang paghahalughog sa NBP na nakakumpiska ng mga droga, salapi at ibang kontrabando at nabunyag ang mararangyang pamumuhay ng mga maimplwensyang bilanggo. Ang lahat ng ito, ayon kay De Lima, ay ipinagpapatuloy ng pumalit sa kanya hanggang ngayon. Nakahanda umano siyang makipagtulungan sa anumang pagsisiyasat sa paglaganap ng droga at ibang krimen sa loob ng NBP. (LEONEL ABASOLA)

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho