Nakahulagpos sa dikitang bakbakan ang Arellano Chiefs para maitakas ang 88-82 panalo kontra Emilio Aguinaldo College kahapon sa NCAA Season 92 seniors basketball tournament sa San Juan Arena.

Nagpalitan ng hawak sa trangko ang magkabilang panig sa unang tatlong quarter kung saan walang nakaabante ng mahigit sa anim na puntos. Sa final period, nakasilip ng pagkakataon ang Chiefs mula sa turnover ng Generals para makuha ang kalamangan at momentum tungo sa pahirapang panalo.

Buhat sa 62-66 na pagkakaiwan, inagaw ng Chiefs ang bentahe sa 73-72, mula sa lay-up ni Zach Nichols bago muling binawi ng Generals sa huling pagkakataon ang kalamangan sa iskor na 74-73, kasunod ng basket ni Hamadou Laminou.

Nagsalansan ang Chiefs ng 9-1 run upang hilahin ang bentahe sa 82-75, may 2:26 ang nalalabi, at hindi na bumitaw pa hanggang sa final buzzer para sa ikaapat na panalo sa anim na laro.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagposte ng personal best 20 puntos at 15 rebound si rookie forward Lervin Flores upang pamunuan ang panalo, habang nagdagdag naman si Jiovanni Jalalon ng 15 puntos at 12 assist.

Nanguna sa Generals na bumagsak sa ikalimang dikit na talo matapos ipanalo ang unang laro, si Hamadou Laminou na may 23 puntos at walong rebound, habang nag-ambag si Sydney Onwubere ng 16 na puntos at 14 na rebound. (Marivic Awitan)