Naisalpak ni Kevin Ferrer ang pinakaimportanteng opensa ng laro para sandigan ang Tanduay sa makapigil-hiningang 75-74 panalo kontra Café France nitong Lunes ng gabi, sa PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nagawang makaiskor ni Ferrer sa three-point area–ikapitong pagtatangka – sa huling 39.2 segundo para magsilbing bentahe na hindi na nagawang pantayan ng Bakers para sa ikaapat na sunod na panalo ng Rhum Masters.

Ang huling pagkakataon ng Bakers na maagaw ang panalo ay napigil ni Reden Celda nang butatain ang tira ni JK Casino.

“Sana lagi na lang ganun, na matatalo namin sila,” pahayag ni Tanduay coach Lawrence Chongson. “It’s one of those games where we got lucky. You really need to bring your A-game and a little bit of luck to beat this team.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nag-init din si Celda sa fourth period kung saan naisalansan niya ang 17 puntos.

“He kept us in there,” aniya . “We were down but siguro maganda ang gising nya ngayong araw.”

Nagtapos si Ferrer na may siyam na puntos at limang rebound.

Nakuha ng Café France ang bentahe sa 74-72 matapos mailatag ang 14-4 run.

Ngunit, ang hindi inaasahang tira ni Ferrer, 0-of-5 sa kanyang pagtatangka, ang siyang magiging balaraw na tumurok sa puso ng Bakers.

Dahil sa panalo, umangat ang Tanduay sa 7-3, kalahating laro ang layo sa Café France, Racal, at Phoenix na may barahang 7-2. (Marivic Awitan)