Naitala ng Pilipinas ang pinakamalaking panalo sa kasalukuyan nang gapiin ang Australia, 15-25, 25-21, 25-20, 23-25,15-11, kahapon sa 18th Asian Women’s Under-19 Volleyball Championship sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Pinamunuan ni University of the East standout na si Mary Anne Mendrez at National U maintay na si Jasmine Nabor sa kapwa nagtala ng 18 hit para magambag sa kabuuang 30 kill ng Lady Nationals para makasampa sa win column matapos na mabigo sa South Koreans, 17-25, 14-25 at 17-25 sa unang araw ng torneo.
Ang Pilipinas ay binubuo ng mga player na sumabak at tumapos sa ikawalong puwesto sa Princess Cup ASEAN Under-18 Championship sa Sisaket, Thailand sa nakaraang linggo.
Sunod na makakaharap ng Pinay ang Chinese Taipei ngayon para sa tsansa na makapasok sa play off round.
Ang Lady Nationals ay kasama sa Pool D ang South Korea, Chinese Taipei, at Australia sa walong araw na torneo na kalahok ang 15 bansa kabilang ang powerhouse teams na China (Pool B), Japan (Pool C) at Thailand (Pool A).
Bumawi naman sina Nabor at Mendrez mula sa malamyang paglalaro kontra sa Koreans matapos na maipit lamang sa walo at apat na puntos.
“The team knew we needed this win and they really gave it all to get it,” sambit ni PH team manager Peter Cayco.
(Angie Oredo)