CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Nakumpiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region IV-B ang nasa P2.8 milyon halaga ng hinihinalang shabu makaraang harangin ang paketeng ipinadala sa pamamagitan ng courier service sa Barangay Magkakaibigan sa Puerto Princesa City, Palawan.

Batay sa report kay PDEA Director General Isidro S. Lapeña, kinilala ni Archie A. Grande, director ng PDEA-IVB, ang naaresto na si Vincent E. Badayos, 37, ng Purok Sampaguita, Bgy. Buncag, Puerto Princesa City.

Nakumpiska mula kay Badayos ang mga pakete mula sa isang hindi pinangalanang courier service company na naglalaman ng limang nangakabuhol na transparent plastic sachet na naglalaman ng nasa 284.091 gramo ng hinihinalang shabu.

Nakapiit ngayon si Badayos sa himpilan ng Puerto Princesa City Police habang inihahanda ang mga kaso ng paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) laban sa kanya. (Jerry J. Alcayde)

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito