Natisod ang Philippine Team sa Chinese-Taipei, 74-88, sa pagsisimula ng FIBA Asia U18 Championships nitong Biyernes (Sabado sa Manila), sa Tehran, Iran.
Nalimitahan ang Batang Gilas sa 11 puntos sa ikalawang quarter para maghabol sa 49-29 sa second half. Nabigo ang Pinoy na makabawi sa kabuuang ng laban para sa unang kabiguan sa Group A match.
Nanguna si Jonas Tibayan sa Batang Gilas sa naiskor na 15 puntos.
Target nilang makabawi sa pakikipagtuos sa Iraq sa Sabado ng gabi.
Samantala, sasabak ang dalawang koponan ng bansa sa FIBA Asia 3x3 U-18 Championship sa Cyberjaya, Selangor.
Puntirya ng boys squad na maduplika ang tagumpay ng koponan na pinangunahan ni US NCAA mainstay Kobe Paras. Ang naturang grupo ay nagwagi rin sa 2015 FIBA 3x3 U18 World Championships.
Maykabuuang 24 na koponan ang maglalaban sa men’s and women’s class sa torneo na inorganisa ng FIBA at Malaysian Basketball Association (MABA).
Binubuo ang boys team nina Kyle Christian Tan, John Lloyd Clemente, John Martin Galinato at Rhayyan Amsali, habang ang girls squad ay binubuo nina Kristine Cayabyab, Mary Ann Cayabyab, Jenilyn Gamboa, at Cristel Mae Dizon
Sina Anton Altamirano at Mark Solano ang coach.