BACOOR, Cavite – Isang police inspector ang inaresto nitong Huwebes ng kanyang mga kabaro sa drug entrapment operation sa Barangay Bayanan sa siyudad na ito.

Nakumpiska mula kay Insp. Lito M. Ginawa, ng Bacoor City Police, ang isang sachet na naglalaman ng nasa 17 gramo ng hinihinalang shabu, na pinaniniwalaang bahagi ng bulto ng droga na nawala sa loob ng isang sports utility vehicle (SUV) na inabandona sa siyudad noong nakaraang buwan.

Ang operasyon laban kay Ginawa ay ikinasa ng Bacoor Police, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Regional Intelligence Division, at Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (AIDSOTG).

Ayon kay Supt. Christopher Olazo, officer-in-charge ng Bacoor Police, ikinasa ang operasyon kasunod ng pagkakatagpo sa isang itim at walang plaka na Toyota Fortuner, na inabandona sa kalsada ng mga hindi nakilalang drug suspect dakong 4:20 ng umaga nitong Hunyo 26.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Napaulat na nadiskubre ang Fortuner ng mga rumespondeng intelligence officer ng Bacoor Police at mga operatiba ng Dasmariñas Police ngunit walang ginawang report sa pulisya tungkol dito.

Batay naman sa intelligence information, ilang pulis ang humingi ng hindi tinukoy na halaga mula sa may-ari ng sasakyan para maibalik dito ang sasakyan at ang drogang laman nito, kaya nag-utos ng imbestigasyon at operasyon si Olazo.

Itinanggi ni Ginawa ang mga alegasyon laban sa kanya, habang inaalam naman ni Olazo kung sangkot din sa insidente ang iba pang kasamahan ni Ginawa. (Anthony Giron)