Sunud-sunod na itinumba ng umano’y grupo ng vigilantes ang tatlong katao na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, sa magkakaibang barangay sa Quezon City, iniulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Sr. Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga napatay na suspek na sina Ramil Lara, 36, ng No. 3177 Unit 1 Ninada St., Barangay Commonwealth, Quezon City; isang alyas “Roland”, nasa hustong gulang, ng 4th Del Pilar St., Bgy. Holy Spirit, Quezon City at si Elizabeth Rabe, 48, ng No.33 Gumamela St., Area–A, Barangay Payatas, Quezon City.
Base sa inisyal na ulat ni PO2 Darmo Cardenas, radio operator ng Batasan Police Station 6, dakong 12:00 ng gabi, basta na lamang umanong pinasok ng vigilantes ang bahay ni Lara kung saan pinagbabaril siya habang mahimbing na natutulog katabi ang paslit na pamangkin.
Agad nagsitakas ang ang grupo, dala ang ginamit na .9mm na fatal weapon, matapos ang pamamaril.
Una rito, dakong 11:00 ng gabi, pinagbabaril hanggang sa mapatay si “Roland” habang naglalakad sa Del Pilar St., Barangay Holy Spirit, Quezon City. Nakuha ng mga awtoridad sa pinangyarihan ang mga bala ng .45 kalibre ng baril.
(Jun Fabon)