Ni Marivic Awitan
Namayani ang Pocari Sweat kontra Air Force, 29-27, 18-25, 25-21, 25-19, sa sudden death Game Three para makopo ang Shakey’s V-League Season 13-Open Conference title nitong Lunes ng gabi, sa Philsports Arena sa Pasig City.Nagbunyi habang lumuluha sa center court ang mga miyembro at tagasuporta ng Pocari para ipagdiwang ang tagumpay sa kauna-unahang pagkakataon sa prestihiyosong torneo.
Muling namuno para sa Pocari si dating National University player Myla Pablo na nagtala ng game-high 23 puntos, tampok ang 21 mula sa hit.
Ngunit sa kabuuan, pinapurihan ni coach Rommel Abella ang mga manlalaro na nagkasama-sama lamang sa unang pagkakataon.
“The players showed the heart of a champion,” pahayag ni Abella.
“We were coming of a 0-1 deficit in the finals and never won against Air Force in our two games but we came back and we were rewarded with a championship,” aniya.
Nakatulong ni Pablo sa pagmaniobra sa laro si Elaine Kasilag na tumapos na may 15 puntos, habang kumana ang setter na si Gizelle Sy sa naitalang 51 excellent set at pitong puntos.
Nanguna sa Air Force si Joy Cases na may 20 hit, habang kumubra sina Jocemer Tapic at May Ann Pantino na may tig-13 puntos.