NANANATILING hawak ni Coco Martin ang trono bilang primetime king sa pananatili ng Kapamilya primetime series na FPJ’s Ang Probinsyano bilang numero unong teleserye sa bansa at sa paghataw nito sa nationwide ratings noong Lunes (July 18).
Walang duda na inabangan at kinapitan ng buong bansa ang naudlot na kasiyahan ng kaarawan ng lolo ni Cardo (Coco) na si Delfin (Jaime Fabregas) nang barilin ito ng hitman na si Hector (Cesar Montano). Sa katunayan, nakapagtala ito ng national TV rating na 42.4%, ayon sa viewership survey data ng Kantar Media. Mas mataas ito kumpara sa katapat nitong palabas na Encantadia na nakakuha naman ng 21% sa una nitong episode.
Hindi rin nagpahuli ang netizens na tumutok sa maaksiyong eksena ng serye, dahilan para maging kabilang sa listahan ng trending topics sa Twitter ang official hashtag na #FPJAPUltimatum. Pawang papuri ang ibinahagi ng netizens sa galing ng bidang si Coco at sa buong cast ng palabas. Hinangaan din nila ang mga eksenang mala-pelikula ang dating.
Simula nang umere, ipinakita ng FPJ’s Ang Probinsyano ang kahalagahan at kapakanan ng pamilya at pagmamahal sa bayan sa bawat episode. Napapanahon at sumasalamin ng buhay ng pamilyang Pilipino ang aksiyon-serye kaya patuloy ang pagsubaybay ng mga manonood sa kuwento nito.
Inaabangan ng mga tagasubaybay kung ano ang gagawin ni Cardo ngayong nasa bingit ng kamatayan ang buhay ni Delfin upang maipaghiganti ang kanyang lolo. Ang buhay naman niya kaya ang malagay sa panganib?
Tiyak na lalong walang palalampasing maaaksiyong tagpo ang televiewers sa numero unong primetime teleserye gabi-gabi sa ABS-CBN.