Nasa 15 sangkot sa droga mula sa magkakahiwalay na lalawigan ang nadagdag sa mga napatay sa pinaigting na operasyon ng pulisya laban sa ilegal na droga sa nakalipas na mga araw.

Ayon sa report ng Philippine National Police (PNP) Operations Center sa Camp Crame, dalawang drug pusher ang umano’y nanlaban kaya napatay sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Iloilo.

Natunugan umano ni Panfilo Artuz, alyas Jun-jun, ng Barangay Malitbog, Centro Calinog, ang pagsalakay ng pulisya kaya nakipagbarilan ito sa mga pulis at nasawi. Sinasabing naghawak naman ng granada si Freddy Sumbing kaya niratrat sa Bgy. Arevalo, Iloilo City.

Naiulat din sa PNP headquarters ang pagkamatay sa drug-bust operation ng apat na hinihinalang tulak sa Bulacan; isa ang napatay sa Malolos City, dalawa sa Meycauayan, at isa sa San Rafael.

Probinsya

Barangay chairman sa Ilocos Norte, pinagbabaril

Sa Tarlac City, naengkuwentro rin umano sa buy-bust ang dalawang hinihinalang drug pusher na sina Joel Dupitas, 45, ng Bgy. Panampunan; at isang Rusty, 41, ng Bgy. San Nicolas, ayon kay Tarlac City Police chief Supt. Bayani Razalan.

Sa buy-bust din bumulagta ang umano’y kapwa kilabot na tulak sa Cabanatuan City, Nueva Ecija na si Joey De Dios, leader ng Baby Ama Motornapping Group; at tauhan nitong si Arthur Mangahas.

Namatay naman nitong Lunes ng gabi sa pamamaril ng mga hindi nakilalang suspek si Raymundo Antonino y Ramos, 43, electrician, ng Bgy. Rizal, San Leonardo. Ikalima si Antonino sa drug watchlist ng San Leonard Police.

Sa Pangasinan, apat na drug suspect ang magkakasunod na natagpuang patay sa mga bayan ng Basista, Laoac, San Carlos City at Urbiztondo.

Sa pinakahuling report na tinanggap kahapon mula kay Supt. Ferdinand de Asis, hepe ng Police Community Relations ng Pangasinan Police Provincial Office, dalawa lamang sa mga bangkay ang nakilala.

Ayon kay De Asis, isa ang natagpuan na may name tag na “Pusher Ako, ‘Wag Tularan”, dakong 6:00 ng umaga kahapon sa Bgy. Dumpay, Basista; habang ang isa pang bangkay ng lalaki na may parehong karatula ay natagpuan dakong 9:40 ng gabi nitong Lunes sa Bgy. Maraboc, Laoac.

Nadiskubre rin ang bangkay ni Lourd Anthony De Vera, nangunguna sa drug watchlist sa Urbiztondo, nitong Lunes ng tanghali, habang bandang hapon naman natagpuan ang bangkay ni Ricky Poquiz, 36, negosyante, ikaapat sa drug watchlist, na pinagbabaril sa Bgy. Magtaking, San Carlos City.

(Fer Taboy, Leandro Alborote, Light Nolasco at Liezle Basa Iñigo