DIREK TONET AT DIREK DAN copy

NAKAKABILIB talaga ang suportahan nina Direk Dan Villegas at Direk Antoinette Jadaone.

Nakita naming dumaan si Direk Tonet sa presscon ng How To Be Yours na idinirihe ni Direk Dan Villegas at pasilip-silip siya sa kinaroroonan ng boyfriend. Kaya binati namin at napangiti naman sabay sabing, “Kanina pa ba nag-start (ang presscon), kasi tini-text ko siya, hindi na ako sinagot, nakasalang na pala. Napadaan lang ako kasi may meeting ako, sumilip lang. Aalis din ako agad, may isa pa akong meeting.”

Laging magkatuwang sa trabaho sina Direk Dan at Direk Tonet kaya tinanong namin ang huli kung ano ang contribution niya sa pelikulang How To Be Yours nina Gerald Anderson at Bea Alonzo.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Si Direk Tonet ang sumulat ng pelikula nina Piolo Pascual at Sarah Geronimo na The Break-Up Playlist kaya technically, magkasama silang bumuo sa pelikula.

“Ay, dito sa How To Be Yours, wala, solo niya ito, wala akong contribution kasi busy din ako, pre-prod na kami ng Til I Met You (serye nina James Reid at Nadine Lustre). Saka ginawa ko ‘yung Achy Breaky Heart,” pahayag ng lady love ni Direk Dan.

Speaking of Achy Breaky Heart movie nina Jodi Sta. Maria, Richard Yap at Ian Veneracion ay wala pala si Direk Tonet sa bansa nang sumabog ang balitang pinirata ang pelikula at ipinost sa social media ang high definition copy nito na ikinagalit ng Star Cinema. Sa katunayan, under investigation ito at kakasuhan ang sinumang mati-trace na nag-upload nito sa social media.

Nasa Maldives Island si Direk Tonet noon pero panay ang talak niya sa social media at sa sobrang galit niya ay napapamura talaga siya.

“Oo, ganu’n ako talaga ‘pag galit ng sobra, pero ‘pag hindi, wala naman akong ganu’n. Sobrang affected talaga kasi pinaghirapan namin ‘yun, eh, ‘tapos ganu’n ang mangyayari,” paliwanag niya.

Bagay sa lovers ang kagandahan ng Maldives, pero hindi si Direk Dan ang kasama ni Direk Tonet kundi ang co-writer niya at reward nila iyon sa sarili nila. Hindi ba niya na-miss si Direk Dan sa napakaganda at romantikong lugar?

“Na-miss naman, kaso alam ko namang hindi siya makakasama o makakasunod kasi busy siya sa How To Be Yours at may taping pa siya ng serye rin ni Gerald with Yen (Santos) under Dreamscape, so malabo talaga siyang makasama,” sagot ni Direk Tonet.

So, hindi rin niya masyadong na-enjoy ang Maldives kasi bukod sa wala si Direk Dan ay na-stress pa siya sa pagkakapirata sa Achy Breaky Heart.

“Nag-enjoy naman, kaso ‘yun nga, na-stress talaga ako kaya panay ang post ko,” pag-amin niya.

Ang magandang balita ni Direk Tonet, kahit marami ang nakapanood nang libre sa pelikula nina Jodi, Ian at Richard sa social media ay extended pa rin ito sa mga sinehan, at, “kumita more than expected.”

Samantala, ilang taon na ring magkarelasyon sina Direk Dan at Direk Tonet kaya tinanong namin kung may balak na ba silang magpakasal, tulad din ng tanong sa direktor ng How To Be Yours sa presscon.

“Wala pa, wala namang usapan, though napag-uusapan ang kasal, pero hindi ‘yung ganitong date, ganitong panahon, wala kaming ganu’n. Wala lang,” natawang sagot ng lady director.

Pero nag-iipon naman ba sila para paghandaan ang future o bahay na titirhan?

“Hindi ko alam sa kanya, basta ako wala, nag-iipon lang, ganu’n. Siya rin nag-iipon din, alam ko. Hindi ko alam, eh.

Parang wala namang bahay na usapan pa, hindi pa ngayon,” sagot niya na mabuti na lang hindi nakukulitan sa amin.

Ang tiniyak ni Direk Tonet, hindi sila joint account ni Direk Dan.

“Kanya-kanya kami, ‘no!” tumatawang sabi niya.

Samantala, nangangarag pala si Direk Tonet sa Til I Met You teleserye ng JaDine dahil malapit na raw itong umere, bandang Agosto kapalit ng Dolce Amore.

“Wala pa kaming nasisimulan, promo shoot pa lang kaya nakakangarag talaga,” sabi sa amin.

Kayang-kaya dahil matagal pa naman ang Agosto.

“Hindi rin,” mabilis na sagot sa amin.

Maya-maya ay napalingon si Direk Tonet sa mga kainan at nabanggit niyang gutom na siya at niyaya naming kumain, pero tumanggi dahil hindi naman daw siya part ng How To Be Yours presscon.

Sabay sabing, “Kaya ganyan (banchetto style) kasi ganyan ang concept ng movie nila, nagti-training si Bea sa kainan.”

Maya-maya ay nagpaalam na si Direk Tonet para puntahan ang susunod niyang meeting at doon na lang daw siya kakain.

(Reggee Bonoan)