Pasintabi sa Philippine Amateur Tennis Association (Philta).
Isa-isang ginapi ni Marian Jade Capadocia, dating RP No.1 na inalis sa Philippine Team, ang mga miyembro ng National women’s squad para makamit ang ikatlong kampeonato sa MSC Open tennis championship nitong Linggo, sa Makati Sports Club.
Mistulang hindi pinawisan ang 22-anyos na si Capadocia nang bawian ng korona ang defending champion na si Maia Balce, 6-1, 6-3, upang muling itaas ang kampeonato sa women’s single ng torneo na nadomina niya noong 2013 at 2014.
Naitala sana niya ang “three-peat” kung hindi siya lumiban sa paglahok sa nakalipas na taon.
“Parang three-peat na rin po ang pakiramdam ko sa panalo ko. Masayang-masaya po ako, kasi napatunayan ko sa sarili ko at sa mga taong pilit akong ibinababa na kaya kong manalo ng sabayan,” pahayag ni Capadocia.
“Inspired din po akong maglaaro, kasi po nararamdaman ko ang pagbabago sa sistema ng Philippine Sports sa leadership ni Pangulong Duterte. Malaki po ang tiwala ko sa pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC) na maproprotektahan ang mga tulad kong atleta,” aniya.
Sa kabila ng katayuan ni Capadocia sa National Team, inalis siya sa talaan ng Philta dahil umano sa paglahok niya sa ITF Women’s Circuit – pinakamalaking torneo sa international tennis.
“Nakapagtataka lang talaga na target ng bawat atleta na mapataas ang level ng competition para makasabay sa international, pero para sa Philta, masama yata na ma-develop ang atleta,” aniya.
Matapos maging bye sa first round, dinomina ni Capadocia si Ingrid Gonzales, 6-1, 6-1 sa second round, bago pinataob ang National member na si Ma. Dominic Ong, 6-1,6-0, sa quarterfinals.
Sa semi-finals, pinabagsak niya ang kasalukuyang RP No.2 at tournament No.2 seed na si Anna Clarice Patrimonio, 7-5,6-1.
Sa finals, mas naging madali para kay Capadocia ang pagwawagi kontra RP mainstay at top seeded na si Maia Balce, 6-1,6-3.
“Sa ngayon po, pasingit-singit na lumalaban ako sa ITF Circuit sa Netherland. Meron na po akong nakuhang isang puntos o katumbas ng 300 local points. Gusto ko pong maipagpatuloy ito para makalaro ako sa major tournament balang araw.
Pero, limitado lamang po ang resources ng pamilya ko,” pahayag ni Capadocia.