ALDUB AT LOLAS copy

KAHAPON, July 16, Blessed Feast of Our Lady of Mount Carmel. Ilang metro lamang ang layo ng Mount Carmel Church sa Broadway Studio ng Eat Bulaga at may ilang nagsasabing guided ni Mama Mary sina Alden Richards at Maine Mendoza kaya significant ang malaking event nila kahapon. 

Sa halip na gawin sa malayong lugar ang first anniversary celebration ng phenomenal love team, ginanap nila ito sa mismong Broadway Studio kung saan unang nakilala si Maine bilang si Yaya Dub. Sa isang split screen unang nagkita sina Alden at Maine, at nakitaan agad ng chemistry kahit nag-uusap lang naman sa pamamagitan ng fan sign at pagda-dubsmash ng mga kantang bumabagay sa sitwasyon ng tinagurian ni Joey de Leon na kalyeserye, drama sa kalye sa tanghalian.

Parang wedding scene ang sumunod na eksena kahapon na pinaghawak ni Lola Nidora ang mga kamay nina Alden at Maine. Nang tanungin kung mahal ni Alden si Maine, ang sagot niya ay ‘I do’. Nang si Maine naman ang tanungin kung mahal niya si Alden, ‘I do’ rin ang sagot niya, at sabi ni lola Tinidora mukha raw namang payag ang tatay ni Maine (nandoon sa audience ang parents ni Maine), kaya ang tanong ni Maine, sino pong tatay, dahil naroon nga rin ang kanyang Daddy Dubs (Vic Sotto).

Human-Interest

Traditional jeepney, mas maayos pa ring sakyan daw kaysa sa modern jeepney

Ikinuwento na ni Lola Nidora kung ano ang pagkatao ni Divina, anak siya ng kanilang katulong na si Ursula na namatay sa pagsisilang kay Divina. Iniwanan siya ng lola niya sa mansion at si Lola Nidora ang nakakuha kay Divina na pinalaki niyang kunwari ay yaya nila sa mansion para mailayo sa amang si Dodong. 

Isang baby diaper ang ibinigay ni Lola kay Divina at nakaburda roon ang tunay niyang pangalan na Maine Mendoza. 

Ipinakilala na ni Lola si Maine kay Alden at sagot nito, ‘maging Yaya man o Divina o Maine ang pangalan niya, siya po lamang ang laman ng puso ko.’

Bilin ni Lola, “Huwag paglalaruan ang pag-ibig, dapat ito ay totoo, sigurado at buo sa loob ninyo.” Binigyan niya ng iang lock and key sina Alden at Maine na may date na July 16, 2016 na maghuhudyat daw ng bagong simula at yugto ng buhay nilang dalawa. Witness daw ang lahat ng audience sa studio na binigyan din ng lock and key sa lahat ng alaala at aral na napulot nila sa kalyeserye.

Bago ang final announcement, nag-perform muna ang Tito Vic & Joey ng Ikaw Ang Aking Mahal na paboritong awitin nina Alden at Maine. At surprise guest si Bryan White, ang original singer ng God Gave Me You. Nagkaiyakan ang audience nang muling mag-duet sina Maine at Alden ng theme song ng Imagine You & Me.

Napaiyak na naman si Alden nang lumabas ang lahat ng fans na may dala-dalang heart-shaped balloons. Umiyak na rin si Maine. Sila raw kasi iyong fans na nagsimulang kasama nila day one pa lamang nila bilang AlDub.

Pareho silang nagpasalamat sa isa’t isa, na itinuturing nilang miracle sa buhay ng isa’t isa. Ayon kay Maine, hindi mawawala ang special spot sa puso niya ni Alden. Nangako naman si Alden na hindi niya pababayaan kahit kailan si Maine.

Umiiyak sina Allan K at iba pang Dabarkads dahil gusto raw nilang makakita ng halikan pero sa cheek lang humalik si Alden tulad nang sabi ni Tito Sen, pero nang si Maine ang humalik sa cheek ni Alden, ibinaling ni Alden ang lips niya at tumama sa lips ni Maine.

Bago natapos ang celebration, nakitang may dalawang lalaking kumidnap kay Lola Nidora. Simula na kaya ito ng bagong istorya sa buhay nina Alden at Maine sa kalyeserye? (NORA CALDERON)