ILANG linggo bago nanumpa sa tungkulin si Pangulong Rodrigo Duterte, hanggang sa siya’y magsimula bilang bagong Pangulo ng Pilipinas ay pinaigting na ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya kontra droga na isa sa lulutasin ni Pangulong Duterte bukod pa ang kurapsiyon at kriminalidad sa bansa. Laman araw-araw ng mga balita sa pahayagan, radyo at telebisyon ang mga napapatay na drug pusher at user suspect.

Sa paliwanag ng mga police operative, ang mga napatay ay nanlaban at nang-agaw umano ng baril.

Aabot na sa152 na ang napatay mula nang maglunsad ng operasyon kontra ilegal na droga noong Mayo 10. Dalawang pulis na rin ang naitumba. Ngunit sa police operation, naitatanong naman ng iba nating kababayan: “Bakit wala pang drug lord na naitutumba ang mga pulis? Mga asset ba ng pulis na sangkot sa droga ang mga itinumba sapagkat baka sila’y ‘ikanta’?” At sa patuloy na pagdami ng napapaslang araw-araw, napupuno na ang mga punerarya.

Sa matinding takot ng mga sangkot sa ilegal na droga na baka sila na ang susunod na itumba, dumagsa at kusang sumuko sa police station ang mga ito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

At maging sa Metro Manila ay marami ring sumukong suspected drug pusher at user. Libo na ang bilang ng mga sumuko at takot na mapatay o maitumba sa police operation.

Ang araw-araw na pagpatay sa mga sangkot sa droga ay ikinababahala na ng iba nating kababayan, partikular na ang Commission on Human Rights (CHR) at maging ng ilang mambabatas at isa na rito si Sen. Leila De Lima na nagsabing maghahain siya ng resolusiyon sa Senado upang magkaroon ng imbestigasiyon sa extrajudicial killing. Ngunit agad naman siyang binatikos ni Solicitor Gen. Jose Calida. Ayon kay Gen. Calida, hindi in-aid of legislation ang layunin ni De Lima kundi in-aid of media mileage. Binanggit pa ang mga nangyari at ginawa ng mga drug lord sa bilangguan, sa Muntinlupa, noong Justice secretary pa si Sen. De Lima. Nanawagan pa Gen. Calida sa mga police operative na huwag dadalo sa imbestigasyon sa Senado.

Ang maaanghang na pahayag ni Gen. Calida ay binuweltahan ni Sen. Franklin Drilon pati na rin ang iba pang kritiko ni De Lima. Itinuring ni Drilon ang pahayag ni Calida laban kay De Lima ay hindi lamang pagkuwestiyon sa kapangyarihan ng Senado, kundi maging sa isyu ng transparency at accountability ng Pangulo. Iginiit pa ni Drilon na hindi mapipigilan ang Senado sa mandato nito na imbestigahan ang mga alegasyon ng extrajudicial killing sa bansa.

Habang isinusulat ng inyong lingkod ang kolum na ito ay patuloy pa ang pagtaas ng mga napapatay na suspek sa ilegal na droga. May mga natatagpuan ding biktima ng summary execution na palaging may kalakip na: “Huwag pamarisan, drug pusher ako.” Maghihintay ang sambayanang Pilipino kung mangyayari ang gagawing imbestigasyon sa sunud-sunod na pagpatay sa mga drug pusher at user suspect. (Clemen Bautista)