Inaasahan ang paggulong ng ulo sa hanay ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan kapag inilabas na ang listahan ng mga pulitikong sangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Secretary Ismael Sueno ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang listahan ng narco-politicians ay nakatakdang ipalabas sa susunod na linggo.
“The list will not only be limited to the mayors, it will be everyone in the government involved in narco-politics from mayors down to barangay kagawad,” ayon kay Sueno.
Samantala tumanggi si Sueno na ilahad ang bilang ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan na sangkot sa ilegal na droga, lalo na’t nag-iiba umano ito base sa isinasagawa nilang balidasyon.
Gayunpaman, siniguro ng DILG na isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang mga nakasama sa listahan ng narco-politicians bago nila ito isumite sa Malacanang.
Magugunita na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi makakapili ng chief of police ang mga alkaldeng hinihinalang sangkot sa droga. (Chito A. Chavez)