Handa na ang Malacañang na maglabas ng isang memorandum upang simulan ang imbestigasyon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang panig ng bansa na nagbibigay umano ng proteksiyon sa mga sindikato ng droga.

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, isa ito sa mga isyu na tinalakay sa ikalawang pagpupulong ng Gabinete sa Malacañang nitong Lunes.

“Also (discussed was) a proposed memorandum to barangay captains and mayors (in) places with high incidence of drugs that they may be investigated for serious neglect of duty if found to have neglected their tasks,” pahayag ni Abella sa press briefing sa Malacañang.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nang tanungin kung bakit hindi pa umuusad ang imbestigasyon sa mga opisyal ng barangay na kumukubra sa operasyon ng ilegal na droga, ipinaliwanag ni Abella na kapag ang usapin ay nasa barangay level, ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang may saklaw sa naturang usapin.

“Basically, I think that goes under the DILG . . . They will go through their own due process. But basically they’re bringing it down to that level,” pahayag ni Abella sa media.

Hindi rin nagbigay si Abella ng petsa kung kailan ilalabas ng Palasyo ang memorandum, ngunit tiniyak nitong sa lalong madaling panahon ay maisasagawa ito.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Abella ang plano ng gobyerno na magtatag ng regional rehabilitation para sa drug users.

Hinggil naman sa pagdalo ng mga opisyal ng pulisya sa imbestigasyong isasagawa ng Senado tungkol sa drug killings, sinabi ni Abella na “Let’s just wait for the due process to come through.” (Elena L. Aben)