Hindi pabor si Sen. Leila de Lima sa panukala na magtayo ng isang high-security facility sa Pilipinas, tulad ng Alcatraz sa Amerika, para sa mga high-profile inmate, lalo na sa mga drug lord.
Ito ang inihayag ni De Lima bilang reaksiyon sa paghahain ni incoming Senate Majority Leader Vicente Sotto III ng Senate Bill No. 1 na nagsusulong sa pagtatayo ng isang “fortress” prison facility na pagpipiitan sa mga convicted drug personality.
Isa na ngayong sikat na tourist attraction sa San Francisco, California, USA, ang Alcatraz ay isang prison facility na itinayo sa isla na pinalilibutan ng dagat na puno ng pating.
Noong operational pa, hindi maaaring bumisita ang kaanak ng mga preso sa pasilidad.
Bagamat pabor na magkaroon ng pasilidad “that will ensure that our prisoners, particularly the high-risk which includes drug convicts, are guardedly well”, sinabi ni De Lima na laos na ang piitang gaya ng sa Alcatraz dahil mayroon nang mga modernong correctional system.
“Ito ang dahilan kung bakit isinara na ng US ang Alcatraz,” dagdag niya.
Iginiit din ng dating kalihim ng Department of Justice (DoJ) na may umiiral na panuntunan ang United Nations sa tamang pagtrato sa mga preso.
“Experience would show that those totally isolated, lalo lang naging hardened and there are studies to this effect,” paliwanag ng bagitong senadora. “You are not at all working for their possible reformation if there is a system.
Complete isolation, ‘di na uso ‘yan.” (Mario B. Casayuran)