Pinaluhod ng Mapua Cardinals, sa pangunguna ni reigning MVP Allwell Oraeme na kumana ng 22 puntos at 25 rebound, ang Lyceum of the Philippines Pirates, 75-64, kahapon sa NCAA Season 92 men’s basketball tournament sa San Juan Arena.

Dikdikan ang laro sa unang dalawang yugto na natapos sa 35-38, pabor sa Mapua.

Nagsimulang lumayo ang Cardinals sa third quarter sa pangunguna ng nagbabalik na si Andoy Estrella sa isinalansan na 10 sa kanyang kabuuang 15 puntos para hilahin ang bentahe sa 58-42.

Sa nasabing yugto, nalimitahan ng maigting na depensa ng Cardinals ang Pirates sa pitong puntos upang kabigin ang kontrol ng laro tungo sa panalo.

Volleyball fans may bagong aabangan sa PVL!

Nag- ambag naman ng 16 at 15 puntos sa Cardinals sina CJ Isit at Exequiel Biteng, ayon sa pagkakasunod.

Namuno para sa Lyceum na bumagsak sa ikatlong sunod na kabiguan sina Mike Nzeusseu na may 16 na puntos, kasunod si Jasper Ayaay na kumubra ng 15 puntos.

Iskor:

MAPUA 75 – Oraeme 22, Isit 16, Biteng 15, Estrella 6, Menina 6, Eriobu 4, Serrano 4, Victoria 2, Magboo 0, Orquina 0, Raflores 0

LPU 64 – Nzeusseu 16, Ayaay 15, Serafico 11, Baltazar 7, Alban 6, Alanes 3, Caduyac 3, Bulawan 2, Malabanan 1, Rubite 0, Soliman 0, Magbuhos 0

Quarterscores:

20-22, 38-35, 58-42, 75-64 (Marivic Awitan)