Limang katao ang nasawi at 20 iba pa ang nasugatan makaraang tumaob ang isang pampasaherong bus sa Caranglan, Nueva Ecija, kahapon ng madaling araw.

Ayon sa report ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), nangyari ang insidente dakong 1:30 ng umaga sa Barangay Putlan, Caranglan.

Sinabi ni Senior Insp. Adriano Gabriel Jr., hepe ng Caranglan Municipal Police, na lima ang kumpirmadong nasawi sa insidente.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na galing sa Tuguegarao City, Cagayan ang Victory Liner bus (AYK-552) patungong Metro Manila nang mangyari ang aksidente.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Gabriel na nagkamali ng tantiya ang driver ng bus na si Ryan Manuel, 28, taga-Bgy. Rugao, Ilagan City, kaya nangyari ang aksidente.

Sa pagbaligtad ng bus, tumama ito sa concrete railing ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na naging dahilan ng pagkakaipit at pagkamatay ng limang pasahero.

Apat ang agad na namatay habang isang pasahero naman ang naisugod pa sa ospital pero binawian din ng buhay.

Ginagamot ngayon sa San Jose City Hospital ang mahigit 20 pasahero na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. (Fer Taboy)