Sinalubong agad ng masaklap na kabiguan ang Team UAAP-Philippines matapos yumukod ang Ateneo women’s volleyball team kontra Indonesia, 25-21, 17-25, 14-25, 22-25 sa pagsisimula ng 2016 ASEAN University Games, sa National University of Singapore.
Tanging sa unang set nakapagpakita ng tibay ang ipinadalang koponan ng UAAP kung saan huling nakapaglaro si Alyssa Valdez na kasama ang kanyang koponan na Lady Eagles.
Sunod na makakalaban ng Pinay belles sa ganap na 2:30 ng hapon ang powerhouse Thailand.
Kasama sa delegasyon ang UAAP champion Ateneo men’s volleyball at University of the East men’s at women’s fencing, pati na rin ang non-UAAP team tulad ng Ateneo shooting, archery, at water polo.
Ang 2016 ASEAN University Games ay isang multi-sports event tampok ang mga estudyanteng atleta na isasabak sa 16 na sports.
Kabilang sa torneo ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos , Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Timor Leste, Thailand, at Vietnam.
Pinaglalabanan sa torneo ang swimming (38) water polo (1), archery (10), athletics (37), badminton (7), basketball (2), canoeing (21), fencing (11), football (1), pencak silat (18), petanque (7), rugby sevens (1), sepak takraw (2), shooting (8), table tennis (7), at volleyball (2). (Angie Oredo)