Ni NITZ MIRALLES
HULING linggo na ngayon ng Afternoon Prime ng GMA-7 na Hanggang Makita Kang Muli at matagal o baka hindi na makalimutan ni Bea Binene ang ginampanang role bilang feral child.Sa simula, hindi sigurado si Bea na magagampanan niya ang role na ibinigay sa kanya, pero habang nagti-taping, nagawa niyang mahalin ang kanyang karakter.
“Mami-miss ko si Ana hindi lang dahil siya na ang pinakamahirap na karakter na ginampanan ko, iba rin ang fulfillment na ibinigay niya sa akin sa ilang weeks na pinortray ko siya. Mahirap at nakakapagod siyang gampanan, pero ‘pag nababasa ko na ang positive comments at feedback sa social media, nawawala lahat ang pagod ko,” wika ni Bea.
Dagdag pa niya, ipina-realize sa kanya ni Ana na hindi dapat inaatrasan ang challenges at dapat hinaharap. Noong una kasi, ayaw gawin ni Bea ang Hanggang Makita Kang Muli dahil hindi siya sigurado kung magagampanan niya ng mahusay.
Nakagalitan pa nga siya ni Direk Laurice Guillen noong mga unang araw ng taping dahil hindi niya makuha at maibigay ang tamang acting, kaya gusto na sana niyang umatras. Mabuti at ipinagpatuloy pa rin niyang gawin ang Hanggang Makita Kang Muli at hindi nagsisi si Bea.
Samantala, sa nakaraang inagurasyon ni Vice President Leni Robredo, isa si Bea sa mga taga-showbiz na inimbita. Sinuportahan ni Bea ang kandidatura ni VP Leni na walang hininging kapalit. Sapat na sa kanya ang pasasalamat at mahigpit na yakap sa kanya ni VP Leni.
Sa picture nila ni VP Leni na ipinost ni Bea sa Instagram, aniya, “Sabi n’ya, ‘love na love ko ‘to, eh.’ Tapos bigla akong niyakap, hindi naman halata sa ngiti ko na tuwang-tuwa ako, di ba? Salamat po, VP! Isang karangalan na makasama at makiala ka. Ngayon, simula na ng bagong laban para sa mas magandang Pilipinas. Nandito lang po kami palagi para sa ‘yo. Some people will always bring you down, but always remember that more people are supporting you and loving you and are with you in your journey. Mahal ka namin!”