Hindi man makakayang biglain na tuluyang matuldukan ang nakasanayang contractualization o ‘endo’ sa mga kumpanya sa bansa, sisikapin ng Department of Labor and Employment (DoLE) na mabawasan nang 50 porsiyento ang mga kaso ng end of contract sa loob ng anim na buwan, kaugnay na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan nang alisin ang naturang sistema.

Sa memorandum na nilagdaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa lahat ng labor officer ng DoLE sa bansa, target niya sa unang anim na buwan na mabawasan nang 50% ang ‘endo’ at contractualization, na magiging hamon niya sa mga opisyal ng kagawaran.

Inatasan ng memorandum ang mga opisyal na mahigpit na ipatupad ang Labor Laws Compliance System.

Pinakilos din ni Bello ang Bureau of Working Conditions upang ihanda ang mga profile ng mga kontratista at subcontractors, base sa mga resulta at natuklasan mula sa Labor Laws Compliance Officers (LLCO).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nakasaad din sa memorandum na inoobliga ang mga regional director na magsumite ng komprehensibong ulat sa kalihim ng DoLE kaugnay ng paglabag sa umiiral na mga batas at mga reklamo ng endo mula sa mga apektadong manggagawa.

Gayundin kinakailangang magsumite ang mga regional office ng DoLE ng profile ng pagkontrata at sub-contracting arrangement mula sa mga kumpanya.

Lahat, aniya, ng mga dokumento ay dapat isumite sa tanggapan ng kalihim, sa pamamagitan ng Office of the Undersecretary for Social Protection, bago sumapit ang Hulyo 15.

At upang ganap na maplantsa ang mga teknikal na aspeto at mga usapin sa contractualization, magsasagawa ng workshop ang DoLE sa Hulyo 18-19 para sa mga opisyal ng paggawa at iba pang mga stakeholder. (MINA NAVARRO)