Mahigpit na babantayan ng Bureau of Immigration (BI) ang kilos ng limang retirado at aktibong opisyal ng Philippine National Police (PNP), na iniugnay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilegal na droga, sakaling magtangka ang mga itong umiskiyerda palabas ng Pilipinas.
Sinabi ni Atty. Tonette Bucasas-Mangrobang, tagapagsalita ng BI, na nakaalerto ang mga immigration officer sa lahat ng daungan at paliparan sa bansa upang magpatupad ng kaukulang departure protocol.
“Our officers will implement strict departure protocols, 'yung kailangan ng travel authority from their department, mga ganung requirement," giit ni Mangrobang.
Subalit binigyang diin ng BI official na wala pa ring inilalabas na hold departure order laban sa limang tinaguriang “narco general.”
Nitong Martes, tinukoy ni Duterte sina retired PNP Deputy Director General Marcelo Garbo Jr., dating National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Joel Pagdilao, dating Western Visayas Regional Police Office director Bernardo Diaz, dating Quezon City Police District director Chief Supt. Edgardo Tinio at retired Chief Supt. Vicente Loot na nagbibigay ng proteksiyon sa sindikato ng droga.
“The Immigration officer would ask for a travel authority, to also refer to the supervisor na this person has appeared. Kasi kung may hininging documents na present automatic na i-refer sa supervisor 'yun," giit ni Mangrobang.
“The immigration personnel would also be tasked to check his ticket just to ascertain actual destination and the date of return to the Philippines. For information lang because as of this time we have not received any other orders from any other office to prevent the departure,” dagdag ng opisyal. (PNA)