Matapos ang serye ng mandatory drug test, tatlong tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga.
Sinabi ni QCPD Director Senior Supt. Guillermo Eleazar sa pulong balitaan na ang tatlong pulis na nagpositibo sa paggamit ng droga ay nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa Talipapa, Batasan at Anonas.
Ang tatlo, aniya, ay kabilang sa 2,500 tauhan ng QCPD na isinailalim sa drug test nitong nakaraang linggo upang malinis ang kanilang hanay sa mga adik.
Inihayag din ni Eleazar na isasalang pa rin ang tatlo sa drug confirmatory test sa Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory Service sa Camp Crame, Quezon City, bago dedesisyunan kung sisibakin o mananatili sa serbisyo ang mga ito.
Iginiit ng opisyal na binigyan din ang tatlong pulis ng 15 araw upang magpaliwanag hinggil sa naging resulta ng drug test.
Bukod sa pagkakasibak sa puwesto, sinabi ni Eleazar na posible ring maharap sa kaso ang tatlong pulis.
Ang QCPD ay mayroong 4,740 tauhan na nakatalaga sa 12 himpilan sa siyudad. (Vanne Elaine P. Terrazola)