Isang magandang pagkakataon ang dumating kay undefeated Filipino fighter Harmonito “Hammer” dela Torre dahil napili siya ni reigning WBA super bantamweight champion Guillermo “The Jackal” Rigondeaux na maging sparring partner para sa title defense ng Cuban kay Briton James Dickens sa darating na Hulyo 16, sa Ice Arena Wales, Cardiff, Wales.
Tumanggap naman si Dela Torre ng papuri mula sa kanyang Cuban coach na si Osmiri “Moro” Fernandez, ayon sa pahayag ng manager ng Filipino fighter na si Jim Claude “JC” Manangquil, Chief Executive Officer ng Sanman Promotions.
“It’s a good learning experience for him to spar against this type of top-caliber fighter,” pahayag ni Manangquil sa PhilBoxing.com.
Wala ring talo si Rigondeaux (16-0, 10 knockouts) at muli siyang nakaiskedyul na makipag-sparring ngayong araw kay Dela Torre (18-0, 12 knockouts), na ilang buwan na ring nagti-training sa Cuba.
Nasungkit ni Rigondeaux ang World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title sa unification bout kay “The Filipino Flash” Nonito Donaire Jr. via lopsided unanimous decision noong Abril 13, 2013, sa New York. Ipinagtanggol ni Rigondeaux ang kanyang dalawang titulo kontra kay Joseph Agbeko, Sod Kokietgym ng Thailand at Japanese challenger Hisashi Amagasa.
Sa kanyang huling laban, tinalo ni Rigondeaux si Filipino Drian “Gintong Kamao” Francisco sa pamamagitan ng unanimous decision para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) International Silver super bantamweight title noong Nobyembre 21, 2015 sa Las Vegas, Nevada.
Samantala, ikinasa naman ni Dela Torre ang majority decision win kontra kay Puerto Rican Guillermo Sanchez noong Mayo 27 sa Seneca Niagara Resort and Casino, sa Niagara Falls, New York para sa kanyang USA debut. (Gilbert Espeña)