Tatlong katao ang nasawi habang tatlong iba pa ang naaresto sa magkakahiwalay na buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Maynila.

Kinilala ang mga nasawi na sina Roger Bonifacio, 27, alyas Roger Ong, ng Banaba Alley, C.P.Garcia Street, Barangay 123, Tondo; Renato Padando, 41, alyas “Neno”; at isang alyas “Pangit”, kapwa taga-Sta. Mesa.

Kinilala naman ang mga naaresto na sina Nasser Paco, 38; Pendatu Tulino, 28, kapwa ng Baseco Compound, Port Area; at Angel Eugenio, 38, ng Dagupan, Tondo.

Batay sa ulat ng MPD, unang napatay si Bonifacio matapos niyang manlaban sa buy-bust operation ng mga tauhan ng MPD-Station 1, dakong 9:25 ng gabi nitong Miyerkules sa Banaba Alley.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sa ulat naman ni Supt. Santiago Pascual III, station commander ng MPD-Station 8 (Sta. Mesa), nabatid na dakong 2:00 ng umaga kahapon nang mapatay din sa buy-bust operation sa riles sa Bgy. 630, Zone 63 sa Parcel, Sta. Mesa, sina Padando at alyas Pangit.

Sa imbestigasyon ni PO2 Lalaine Almosa, nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-SOTG), sa pangunguna ni Senior Insp. Cicero Pura, nang makatunog si Padando na undercover SAID operative ang kanyang katransaksiyon na si PO3 Maurison Ablaza.

Dahil dito, kaagad na nagbunot ng baril si Padando upang barilin si Ablaza ngunit inunahan na siya ng iba pang operatiba.

Narinig naman ni alyas Pangit ang mga putok ng baril kaya lumabas siya mula sa isang barung-barong at papuputukan sana ang mga awtoridad ngunit nabaril din siya ng mga ito.

Narekober ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang isang .45 caliber pistol, isang .38 caliber revolver, P500 marked money, limang basyo ng bala at 10 plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Magkakasabay namang naaresto ng mga awtoridad sina Paco, Tulino at Eugenio dakong 7:45 ng gabi ng Miyerkules sa magkakahiwalay na lugar. (Mary Ann Santiago)