PASADENA, Calif. (AP) — Sinuong ang matinding radiation, narating ng isang NASA spacecraft ang Jupiter nitong Lunes matapos ang limang taong paglalakbay para simulan ang paggalugad sa hari ng mga planeta.
Nagpalakpakan ang ground controllers sa NASA Jet Propulsion Laboratory at Lockheed Martin nang ipaabot ng solar-powered Juno spacecraft ang balita na umiikot na ito sa Jupiter.
“Juno, welcome to Jupiter,” sabi ni mission control commentator Jennifer Delavan ng Lockheed Martin, na gumawa sa Juno.
Pinatay ang mga camera at iba pang instrumento ng spacecraft bago ang pagdating nito, kayat walang litrato ang sandali ng pagdating nito sa destinasyon. Ilang oras bago ang encounter, naglabas ang NASA ng mga imahe na kuha noong nakaraang linggo, na nagpapakita sa Jupiter na kumikinang na dilaw sa kalayuan, at pinalilibutan ng apat na buwan.
Nangako ang mga scientist ng close-up view ng planeta kapag nahawi na ng Juno ang kaulapan nito sa panahon ng 20-buwan, $1.1 billion mission.
Ang ikalimang bato mula sa araw at pinakamalaking planeta sa solar system, ang Jupiter ay kilala bilang gas giant — isang bola ng hydrogen at helium — hindi tulad ng mabatong Earth at Mars.
Ipinangalan sa kabiyak ni Jupiter sa Roman mythology, ang Juno ang ikalawang misyon na dinisenyo para galugarin ang Jupiter kasunod ng Galileo na inilunsad noong 1989.