Lumalakas ang mga hakbang na amyendahan ang 1987 Constitution sa ilalim ng Constitutional Convention sa Mababang Kapulungan nang maghain ang isa pang mambabatas ng panukalang naglalatag ng mga parameter sa paghahalal ng mga delegado ng Con-Con, rules of procedure at ng pondong ilalaan para rito.
Nakiisa si Cebu Rep. Gwendolyn “Gwen” Garcia sa mga kasamahan nito sa pagsusulong na amyendahan ang Constitution sa pamamagitan ng Con-Con sa paghain niya ng House Bill 312 o ang panukalang “Constitutional Convention Act of 2016”.
Nakasaad sa HB 312 ang composition, qualifications, appointment, at election ng mga delegado ng Constitutional Convention; pagdaos ng eleksiyon para sa mga delegado ng Con-Con, rules and regulations; opening session at paghalal ng President ng Con-Con; organisasyon ng Con-Con, ang rules of procedure, Con-Con budget; parliamentary immunity ng mga delegado ng Con-Con; at Con-Con appropriations.
Sa ilalim ng HB 312, ang Con-Con ay bubuuin ng 107 delegado, na ang kuwalipikasyon ng mga indibiduwal ay katulad sa mga Miyembro ng Kamara de Representantes. Gaganapin ang eleksiyon para sa mga delegado sa Enero 2017.
(Charissa Luci)