Sa pagtupad sa kanyang unang ipinangako, walang takot na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang limang retirado at aktibong senior official ng Philippine National Police (PNP) na aniya’y sangkot sa ilegal na droga.

Ang lima ay kinabibilangan nina retired Police Director General Marcelo Garbo, Jr., dating National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Joel Pagdilao, dating Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Edgardo Tinio, Chief Supt. Bernardo Diaz, at retired Senior Supt. Vicente Loot.

Si Diaz ay kasalukuyang nanunungkulan bilang director ng Police Regional Office-Western Visayas, habang si Loot ay nakaupo bilang alkalde ng Daanbatayan, Cebu.

Sa kanyang talumpati sa ika-69 na anibersaryo ng Philippine Air Force (PAF) na ginanap sa Clark Air Base sa Pampanga, ipinag-utos din ni Duterte kay PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na ilagay sa kustodiya ng tanggapan nito ang mga aktibong police official na kanyang idinawit sa droga.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Iginiit ni Duterte na ilang beses na siyang nakatanggap ng impormasyon hinggil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga ng limang personalidad, maging sa mga panahon na alkalde pa siya ng Davao City.

Ilang araw bago pa man siya pormal na maluklok sa Malacañang, binalaan na ni Duterte ang mga police general na nagbibigay ng proteksiyon sa mga sindikato sa droga na boluntaryong magbitiw sa kanilang puwesto kaysa abutin ng kahihiyan sa kanyang administrasyon.

Ikinalungkot din ni Duterte na ang mga gastusin sa pag-aaral at pagsasanay ng mga naturang pulis ay nanggaling sa ibinayad na buwis ng mamamayan, subalit ninais pa rin nilang makisawsaw sa ilegal na droga na sumisira sa buhay ng maraming indibiduwal.

Ikinonsidera ni Duterte na “treason” o pagtatraydor sa bayan ang pagbibigay umano ng proteksiyon ng mga senior police official sa mga sindikato ng droga. (ARIS R. ILAGAN)