Ipinag-utos kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald dela Rosa sa kanyang mga tauhan, partikular sa mga heneral at sa iba pang matataas na opisyal ng pulisya na tigilan na ang paglalaro ng golf tuwing office hours.
At dahil ang mga hepe ng pulisya at iba pang pulis ay nagtatrabaho nang 24-oras sa maghapon at pitong araw sa isang linggo, malinaw na tuluyan nang ipinagbawal ni Dela Rosa sa mga pulis ang paglalaro ng golf sa alinmang panig ng bansa.
“From now on, I will prohibit playing golf during office hours. I don’t want to see any policeman playing golf during office hours. Be mad at me if you want but for me, you have to prioritize your duty,” sinabi ni Dela Rosa nang magtalumpati siya sa flag-raising ceremony.
Hindi lamang mga pulis na naglalaro ng golf, nagbabala rin si Dela Rosa sa mga pulis laban sa pagtungo sa mga sabungan, casino, at sa iba pang lugar ng sugalan—off duty man o hindi.
“If I ever heard or see policemen inside casino or cockfighting places, malilintikan kayo sa akin,” ani Dela Rosa.
Umani ng palakpakan at hiyawan ng mga pulis at civilian personnel na dumalo sa flag-raising ceremony ang direktiba ni Dela Rosa, at nagbiro naman sa huli na posibleng may kakilala ang mga nag-react na maaapektuhan sa kanyang utos.
Bagamat nauunawaan niyang kailangan ng ilang pulis ang dagdag na kita para sa pamilya, binigyang babala rin sila ni Dela Rosa laban sa moonlighting o pagkakaroon ng iba pang trabaho, lalo na kung ginagawa ito kapag working hours.
“As commanders, we have to account for all of our men. Those who are moonlighting, they should wear their uniform and be deployed on the streets to conduct patrol,” ani Dela Rosa.
“We are being paid by the government to work and not to moonlight. Let me make this clear: crime rate rises because of lack of policemen on the street and why we are lacking policemen? Because they tend to rest more than work,” aniya. (AARON RECUENCO)