Kapwa pasok sa timbang sina WBC light flyweight champion Ganigan Lopez at mandatory No. 1 challenger Jonathan Taconing ng Pilipinas sa ginawang weigh-in para sa kanilang sagupaan ngayon, sa Arena Coliseo sa Mexico City, Mexico.

Tumimbang si Lopez sa 107 lbs., samantalang mas mabigat sa 107.5 lbs. si Taconing na unang lumaban para sa naturang titulo noong 2012 sa Thailand pero natalo sa 5th round technical decision sa dating kampeong si Kompayak Pompramook.

Ito ang ikalawang laban ni Taconing sa Mexico matapos niyang patulugin sa 10th round si dating WBO light flyweight champion Raul Garcia Hirales noong Abril 4, 2015 sa Mexico City.

Natamo naman ni Lopez ang WBC crown nang dumayo siya sa Japan upang talunin ang dating kampeong si Japanese Yu Kimura sa 12-round majority decision noong Marso 4, 2016 sa Kyoto.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

May rekord si Lopez na 27-6-0, tampok ang 17 knockout at tanging ang Pinoy na si dating WBC No. 1 minimumweight Denver Cuello ang nakapagpatikim sa kanya ng TKO.

May rekord naman si Taconing na 22-2-1, kabilang ang 18 knockout. (Gilbert Espena)