IPINAGDIRIWANG ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang 23 taon ng serbisyo nito sa mamamayang Pilipino. Itinatag noong Hulyo 3, 1993, alinsunod sa mga probisyon ng 1987 Philippine Constitution at ng New Central Bank Act of 1993, inangkin ng BSP ang responsibilidad na maging pangunahing awtoridad sa pananalapi sa bansa mula sa Central Bank of the Philippines. Ang BSP ay may piskal at administratibong awtonomiya mula sa Pambansang Gobyerno sa pagpapatupad ng mga mandato nito. Nagkakaloob din ito ng mga direksiyon sa polisiya sa larangan ng salapi, pagbabangko at pagpapautang, pinangangasiwaan ang operasyon ng mga bangko, at nagpapatupad ng regulasyon sa mga non-bank financial institution na may quasi-banking functions.
Alinsunod sa New Central Bank Charter, ang kapangyarihan at mga tungkulin ng BSP ay ipinatutupad ng Monetary Board nito, na pinamumunuan ng BSP governor, kasama ang limang miyembro mula sa pribadong sektor at isang kasapi ng Gabinete. Ang gobernador ang chief executive officer ng BSP. Iginigiya at pinangangasiwaan niya ang mga operasyon at pangloob na administrasyon ng BSP.
Simula nang itatag, naging masigasig ang BSP sa sinumpaan nitong isusulong at pananatilihin ang katatagan ng presyo at magpapatupad ng proactive leadership upang patatagin ang sistema ng pananalapi nang makaagapay sa isang balanse at napananatiling pag-unlad ng ekonomiya. Regular itong nagsasagawa ng pag-aaral at pagsusuri sa mga polisiya sa pananalapi at nagsasagawa ng epektibong pangangasiwa sa mga institusyong pinansiyal na nasasakupan nito.
Sinusubaybayan at nagtatala rin ng estadistika ang BSP sa monetary, financial, at external variables na nagsisilbing basehan sa pagbubuo at pagsusuri sa mga polisiya sa pananalapi, pagbabangko, pagpapautang, at palitan ng pera. Bukod sa mga pangunahin nitong tungkulin bilang banker, financial advisor, at official depository ng gobyerno, ang BSP rin ang bumubuo at nagpapatupad ng mga polisiya sa pananalapi na layuning maimpluwensiyahan ang supply ng pera nang naaayon sa pangunahing hangad nito na mapanatili ang katatagan ng presyo. Eksklusibo rin ang kapangyarihan nito na magpalabas ng pambansang pera. Ang lahat ng perang papel at barya na nagmula sa BSP ay ganap na ginagarantiyahan ng gobyerno at ikinokonsidera bilang legal tender para sa lahat ng pribado at pampublikong utang. Pinalalawig din nito ang mga diskuwento, utang, at advances sa mga banking institution para sa layunin ng liquidity at pinangangasiwaan ang mga bangko habang nagtatakda ng regulatory powers sa mga non-bank institution na may quasi-banking functions.
Puntirya ng BSP na mapanatili ang sapat na international reserves upang makatupad sa net demands para sa mga dayuhang pananalapi para matiyak ang pandaigdigang katatagan at ang malayang palitan sa Philippine peso at matukoy ang exchange rate policy ng Pilipinas. Sa ngayon, tumatalima ang BSP sa isang market-oriented foreign exchange rate policy, batay sa tungkulin ng Bangko Sentral na pangunahan ang pagtiyak na maayos ang sitwasyon sa merkado; at gumanap bilang banker, financial advisor at official depository ng gobyerno, ng mga political subdivision at instrumentalities nito, at ng mga government-owned and –controlled corporation.
Bukod sa masisipag, kuwalipikado, at mahuhusay na opisyal at kawani, nagagawa ng BSP na tumupad sa mandato nito na maisakatuparan ang lahat nitong responsibilidad dahil sa determinasyon nitong magkaloob ng masiglang pagtatrabaho na ligtas at nakatutugon sa kalusugan at kapakanan ng mga manggagawa nito. Ito ay napatunayan sa parangal na tinanggap nito kamakailan mula sa Department of Labor of Employment (DoLE)—ang Gawad Kaligtasan at Kalusugan (GKK) Award.
Layunin ng GKK award na himukin ang mga institusyon at kumpanya na boluntaryong magpatupad ng sarili nilang programa sa kaligtasan, kalusugan at pangkalikasan, at sa kabuuan ay maging produktibo at maging panuntunan para sa ibang mula sa kinauukulang industriya.
Sa pag-ukit ng BSP ng panibagong kasaysayan hanggang sa ika-25 taon nito, nawa’y maisakatuparan nito ang hinahangad na isang world-class monetary authority na magsisilbing mekanismo para sa isang mahusay at pandaigdigang ekonomiya at sistemang pinansiyal na maghahatid ng mataas na kalidad ng buhay para sa lahat ng Pilipino.