NOONG dekada 70, isa sa mga paborito kong tambayan ang barber shop sa aming lugar sa kalye Solis sa Tundo, para mapakinggan ang pagtatalo ng mga barbero at mga customer na naghihintay na magupitan, kaugnay sa mga pangunahing balita sa bansa.

Wala ng ganito ngayon dahil ang mismong mga barberya sa bawat kanto na makikita mo agad dahil sa palatandaang umiikot na karatulang may guhit na kulay puti at asul, ay halos nagsara na lahat. Mga beauty parlor na lang at mga spa ang natira na tila pumalit sa mga ito. Pero bihira ang mga customer dito na naghuhuntahan, walang pakialaman dahil ang bawat isa sa kanila ay abala sa Facebook.

Pero nitong Miyerkules ng gabi, napakinggan ko ang isang pagtatalo na may kinalaman sa live interview ni Chief Supt. Ronald ”Bato” dela Rosa, incoming Chief of the Philippine National Police (CPNP), sa isang programa sa telebisyon na kanilang pinanonood habang naghihintay na mapuno ang sinasakyang UV Express sa isang terminal sa EDSA.

Nag-react kasi yung drayber nang marinig ang naging pahayag ni Heneral Bato na ang suporta niya kay President Rodrigo R. Duterte ay parang titulo ng isang kanta: “Endless Love” – banat ng drayber, “Eh, paano kung ang direksiyon ng pamumuno ni Duterte ay labag na sa Konstitusyon, susuporta pa rin ba ang buong PNP?”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sumabat naman kaagad ang katabi ko, “Iyan ang problema sa pulis at militar, ang loyalty palagi ay doon sa naglagay sa kanila sa puwesto at hindi sa bansa at sa taumbayan na nagpapasuweldo sa kanila.”

Maya-maya pa’y yung pasahero sa dulong kaliwa na kanina’y natutulog lang ay biglang nagising at sinabing: “Dapat gawin nila yung sinabi ni President Quezon na my loyalty to my party ends where my loyalty to my country begins.”

Sabay singit naman ng isang pasahero na sa hitsura palang ay estudyante na ang dating: “Kayo naman, kakaupo pa lang ni Digong eh, ‘di pa nga nag-iinit ang puwet sa pag-upo puro banat na kayo agad. Tingnan muna natin kung ano ang magagawa ng administrasyon niya. Kapag palpak na talaga, saka tayo umangal.”

Natigil ang pagtatalo nang biglang mag-start ang sasakyan, hudyat na lalarga na ito sa destinasyon – Novaliches- Bayan kasabay din halos nang pagpasok ng commercial sa TV na pinanonooran naming mga pasahero.

Contact: Globe: 09369953459 / Smart: 09195586950 / Sun: 09330465012 o ‘di kaya’y mag-email sa: [email protected]

(Dave M. Veridiano, E.E.)