ANG Canada Day ay isang federal holiday na gumugunita sa anibersaryo ng pagpapatibay noong Hulyo 1, 1867, sa Constitution Act, 1867 (kilala rin bilang British North America Act, 1867), na nagdedeklara sa tatlong kolonya bilang isang bansa na tatawaging Canada, sa ilalim ng British Empire. Dati itong tinaguriang Dominion Day, ngunit pinalitan noong 1982, ang taong naipasa ang Canada Act.

Ipinagdiriwang ang araw sa maraming komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa sa pamamagitan ng mga outdoor public event gaya ng mga parada, karnabal, kapistahan, at pagtatanghal sa karagatan at sa himpapawid, fireworks, at konsiyerto. Nagdaraos din ng mga seremonya para sa mga bagong mamamayan. Ang sentro ng selebrasyon ay sa Ottawa, ang kabisera ng bansa na rito idinadaos ang malalaking konsiyerto habang mga cultural display naman ang itinatanghal sa Parliament Hill, na pinamumunuan ng gobernador heneral at prime minister, bagamat ang monarkiya o isa pang miyembro ng Royal Family ay maaaring dumalo o pumalit sa puwesto ng gobernador heneral.

Inookupa ng Canada ang dulong hilagang bahagi ng North America. Ang mga teritoryo nito sa katimugan ay nasa hilagang hangganan ng Amerika. Hinahanggan nito ang Amerika sa katimugan, at Alaska naman sa kanluran. Ang kabisera ng Canada na Ottawa ay isang cosmopolitan city sa Ottawa River. Ipinagmamalaki nito ang enggrandeng arkitekturang Victorian at ang mga popular nitong museo gaya ng glass-and-granite na National Gallery na kinaroroonan ng mga kilalang obra ng mga katutubo at iba pang Canadian artists. Nakahilera naman sa Rideau Canal, isang sikat na tourist destination, ang mga parke. Tuwing tag-init, napakaraming bangka sa canal; at ice-skaters naman kapag taglamig.

Ang Pilipinas at Canada ay may matagal nang kasaysayan ng matibay at mahusay na ugnayan at nagtutulungan sa iba’t ibang larangan. May kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa upang makahanap ng pinakamainam na mga solusyon sa mga pandaigdigang usapin at nakikipagtulungan sa United Nations upang itaguyod ang karapatang pantao, mahusay na pamamahala, at pag-ibayuhin ang pandaigdigang panuntunan ng pamumuhay. Nakikipagtulungan din ang Canada sa Pilipinas bilang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Dialogue Partner. Ang dalawang bansa ay parehong aktibong nakikibahagi sa Asia-Pacific Economic Conference (APEC) Forum sa World Trade Organization (WTO). Mayo 2015 nang bumisita si Pangulong Benigno S. Aquino III sa Canada, habang Nobyembre ng taong iyon naman dumalaw sa Pilipinas si Canadian Prime Minister Justin Trudeau para sa APEC Leaders’ Meeting.

Kinakatawan ang Canada sa Pilipinas ng Embassy of Canada sa Maynila. May konsulado naman ang Canada sa Cebu.

Kinakatawan naman ang Pilipinas sa Canada ng isang Embahada sa Ottawa at may tatlong konsulado-heneral sa Calgary, Toronto, at Vancouver at may mga honorary consular office sa Edmonton, Winnipeg, St. John’s, Halifax, at Charlottetown.

Binabati natin ang Mamamayan at ang Gobyerno ng Canada, sa pangunguna nina Kanyang Kabunyian Queen Elizabeth II, Governor-General David Johnston at Prime Minister Justice Trudeau.