Nagsubi ang Philippine Sports Commission ng kabuuang P9 milyon para suportahan ang kampanya ng Team Pilipinas sa nalalapit na Rio Olympics sa Brazil.
Ang pondo ay para matustusan ang inaasahang komposisyon ng Philippine delegation na inaasahang aabot sa 30, ayon kay outgoing PSC Executive Director Atty.Guillermo Iroy, Jr.
“This is subject to final submission of entry by names. Right now, there’s an estimated 50 pax in the coming Olympics but accordingly, with the trend, it will be lesser. At least we have a working budget for 50 pax based on the estimate of the POC (Philippine Olympic Committee),” sabi ni Iroy.
Mayroon pa lamang 10 atleta na kasalukuyang kwalipikado sa Rio Games tulad nina Eric Cray at Mary Joy Tabal sa athletics, Charly Suarez at Rogen Ladon sa boxing, Ian Lariba sa table tennis, Kirstie Elaine Alora sa taekwondo, Hidilyn Diaz at Nestor Colonia sa weightlifting, at dalawang swimmer na pipiliin base sa universality ng International Swimming Federation (Fina).
Inaasahan din na makakalahok si Miguel Tabuena sa kinakailangan na Final 60 sa golf, habang si Angelo Que ay patuloy na kumakapit sa ika-53 puwesto sa Olympic ranking pati na rin si Dottie Ardina na itinalaga bilang isa sa reserba sa women’s division.
Inaprubahan din ng PSC board ang mahigit sa P4.5-milyon para sa partisipasyon sa Pilipinas sa Paralympics na isasagawa rin sa Rio sa Setyembre 7-18.
Sinabi ni Iroy na ang pondo ay nakalaan para sa kabuuang 18 katao na katulad din sa kampanya sa Olympics ay maaari ring bawasan.
“The board approved funding for 18 pax but we estimate it to eventually be down to 12,” sabi ni Iroy.
Tatlo pa lamang na para-athletes ang lehitimong nakapagkuwalipika sa Paralympics na sina Josephine Medina ng table tennis, Adeline Dumapong Ancheta sa powerlifting, at Ernie Gawilan sa swimming.
Humiling din ang Philippine Paralympic Committee base sa bipartite invitation places para sa tatlo pang atleta sa athletics at isa para sa triathlon. (Angie Oredo)