pacman copy

Arum, ikinasa ang petsa ng laban kahit ‘di kumpirmado si Pacman.

LOS ANGELES – Para kay promoter Bob Arum, hindi pa forever ang pagreretiro ni boxing icon Manny Pacquiao.

Bilang patunay, inireserba ni Arum ang petsang Oktubre 15 sa Mandalay Bay sa Las Vegas bilang “comeback fight” ng eight-division world champion.

Human-Interest

New pet peeve unlocked: 'Parang nagfe-Facebook sa ATM dahil sa sobrang tagal!'

Ngunit, sa panayam ng Los Angeles Times, sinabi ni Arum na hindi pa niya ito nakukumpirma kay Pacquiao (58-6-2, 38 knockouts), gayundin ang sitwasyon kung hindi ito magiging sagabal sa kanyang gawain bilang Senador.

“We have the date… just to protect ourselves,” pahayag ni Arum.

Batay sa itinatadhana ng batas sa Pilipinas, pormal na magsisimula ang gawain ni Pacquiao bilang Senador sa Hulyo 1.

Ang 36-anyos na dating Congressman ng Saranggani ang isa sa apat na bagitong magiging miyembro ng Senado.

“He doesn’t know. He has to see what committees he has, what kind of hearings he has,” pahayag ni Arum.

Ayon kay Arum, nakatakda siyang magtungo sa Manila sa Hulyo 4 para pormal na kausapin ang pinakatanyag na boxer sa kanyang Top Rank promotions kung saan nakakontrata si Pacquiao hanggang sa katapusan ng 2016.

Huling lumaban si Pacquiao matapos ang makasaysayang duwelo kay Floyd Mayweather, Jr. noong May 5, 2015 sa impresibong panalo via unanimous kontra kay Timothy Bradley, Jr. noong Abril 9.

Nitong Mayo 10, nagwagi si Pacquiao sa pagtakbo bilang Senador.

Kung sakaling matuloy ang plano ni Arum, nangunguna sa listahan niya para makalaban ni Pacquiao ang walang talo na si World Boxing Organization junior-welterweight champion Terence Crawford, nakatakdang lumaban kay Viktor Postol sa Hulyo 23 sa HBO pay-per-view, title-unification bout sa MGM Grand sa Las Vegas.

“It’d be a good fight, and even if Manny would lose and wanted to keep fighting, he’d still be an attraction,” sambit ni Arum.

Inamin din ni Arum na nagkakaroon na rin ng negosasyon kay promoter/manager Al Haymon para sa duwelo ni Pacquiao kontra Adrien Broner (32-2, 24 KOs), para sa World Boxing Association junior-welterweight championship.

Malakas din ang hatak ni WBA welterweight champion Keith Thurman.

“Definitely not Mayweather. We’ve been told he’s not ready to fight yet,” sambit ni Arum. “Otherwise, of course, we’d consider that.”