Siniguro ng bagong itinalagang five-man Board ng Philippine Sports Commission (PSC) na matitikman ng mga batang atleta sa Luzon, Visayas at Mindanao ang suporta ng pamahalaan para sa katuparan ng kanilang pangarap na magwagi ng medalya sa international competition.
“We have to identify the talent, develop the raw materials, tapos sanayin natin, then sent to competition abroad where they get the needed experience and exposure,” pahayag ni incoming PSC chairman William “Butch” Ramirez.
Habang nakatuon ang programa ng ahensiya sa grassroots development sa mga lalawigan, siniguro ni Ramirez na makukuha ng mga miyembro ng National Team ang suporta para sa kanilang kampanya sa abroad.
“We will strengthen the linkages to international competitions without abandoning our trust in grassroots development,” aniya.
Para masigurong susulong ng walang hadlang ang programa ng PSC, sinabi ni Ramirez na magkakaroon ng kani-kanilang prioridad na responsibilidad ang Board.
Bibigyang-pansin ni commissioner Charles Maxey ang programa sa Palarong Pambansa, gayundin ang pagbuhay sa Sports for Peace sa Mindanao, gayundin ang Mindanao Friendship Games.
“Maraming hindi nakakatikim ng tulong sa mga lalawigan ng Mindanao kaya ito ang bibigyan natin ng pansin sa PSC,” pahayag ni Maxey, dating reporter at sports editor ng SunStar Davao.
Ang basketball legend na si Ramon Fernandez ang siyang mamamahala sa programa sa Visayas, gayundin sa pangangailangan ng mga team sports.
Bilang engineer, pagtutunan ng pansin ni commissioner Arnold Agustin, kasalukuyang PSC Assistance division chief, ang pagsasaayos ng mga venue, dormitory at pasilidad para sa pagsasanay ng mga atleta, gayundin ang pangangailangan ng mga differently-abled athletes.
“My task is to evaluate all existing facilities, and work on how to improve them to international standard. Saka ‘yun din mga NSA’s na walang training venue tulad ng Squash, we will try to look for place and built one for them,” pahayag ni Agustin.
Mas paiigtingin naman ni commissioner Celia Kiram ang programa sa sektor ng kababaihan at kabataan kabilang na ang pagpapalawig ng Philippine National Youth Games (PNYG-Batang Pinoy) at ang Philippine National Games (PNG).
(Angie Oredo)