WASHINGTON (AP) — Hindi Zika virus, kundi ang seguridad ang numero unong na suliranin ng local organizer ng Rio de Janeiro Olympics.
Ayon kay Sidney Levy, chief executive officer ng Rio Organizing Committee, sa panayam nitong Martes (Miyerkules sa Manila) na malaking pasanin sa kanila masiguro ang kaligtasan ng mga atleta at turista laban sa anumang uri ng krimen at terorismo.
“My biggest fear is the ‘lone wolf’ attacker,” sambit ni Levy.
“Differently from Zika, security’s at the top of my list — the very top of my list,” pahayag ni Levy sa pagpupulong ng Council of the Americas.
“We should never forget that these days we live in a society that’s very in danger,” aniya.
Sa unang plano, aabot sa 85,000 security personnel ang ipakakalat sa lahat ng lansangan sa lungsod at karatig na mga lugar. Aniya, nasubok na ang kanilang kahandaan sa pagbisita ni Pope Francis noong 2013, gayundin ang 2014 World Cup.
Nitong Lunes, nagbabala si Francisco Dornelles, acting governor sa Rio, na bunsod nang kakulangan sa pondo, malalagay sa alanganin ang programa sa seguridad at biyahe ng mga atleta.
Lumikha ng pangamba sa mga atleta ang Zika virus na itinuturong dahilan sa pagkakaroon ng depekto sa laki ng utak at ulo ng sanggol, ngunit mas nakatuon ang pansin ng mga organizer na masiguro ang seguridad ng mga kalahok.
“If I have to write on a piece of paper my top 10 worries today, Zika wouldn’t be there,” ayon kay Levy.