Kumpleto na ang Philippine women’s under-19 volleyball team ng Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated (LVPI) na isasabak sa international tournament sa Hulyo.

Nakuha ng LVPI ang serbisyo nina Ma. Shaya Adorador, Kathleen Faith Arado, Rachel Austero, Ria Beatriz Glennell Duremdes, Necelle Mae Gual, Mikaela Juanich, Diane Latayan, Angeline Marie Magundayao Mary Anne Mendrez, Jasmine Nabor Princess Ordonez, Seth Rodriguez, Bianca Tripoli at Jeanetter Villareal.

Ang koponan ang inaasam ng LVPI na matagal na pagsasamahin, sasanayin, popondohan at ilalahok sa iba’t ibang internasyonal na torneo.

Ngunit, nalagay sa alanganin ang LVPI matapos malaman na ang lahat ng miyembro ng team ay wala pang passport.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

“Dapat mag-impose na talaga tayo na lahat ng mga national training pool at developmental athletes o kahit iyung mga try-outs na ready and available ang kanilang passports,” sabi ni LVPI president Joey Romasanta.

“Nakuha ang mga gusto nating players sa isinagawang try-out pero 10 sa 15 ay walang mga passport. Kaya ang sinabi ko sa coaching staff ay kung sino sa mga nag-tryout ang mayroong passport ay ireserba na agad kung hindi maihahabol maikuha ng dokumento ang mga napili,” aniya.

Ipinaliwanag pa ni Romasanta na puwersado na ang asosasyon na magsumite ng bubuo sa komposisyon ng bansa na sasabak sa SMM 2016 Asian Est Cola Women’s U19 Championship na paglalabanan sa Nakhon Ratchasima, Thailand simula Hulyo 23 hanggang 31.

“Kakapusin na tayo sa panahon kung ikukuha pa sila ng kani-kanilang passport. Hindi naman tayo puwede umatras dahil commitment natin sumali lalo ngayon they are welcoming us back sa volleyball community at mamumultahan tayo kung hindi sasali,” sabi ni Romasanta.

Ang host Thailand, Sri Lanka at Vietnam ay magkakasama sa Pool A habang nasa Pool B ang defending champion na China, Kazakhstan, Hong Kong at New Zealand. Nasa Pool C ang Japan, na pumangalawa sa huling edisyon ng torneo, India, Macao at Iran habang ang Korea, Chinese Taipei, Australia at ang Pilipinas sa Pool D. (Angie Oredo)