Ni Edwin G. Rollon
Alinsunod sa mensahe ni Pangulong Duterte na “change is coming”, malawakang “revamp” sa Philippine Sports Commission (PSC) ang isusulong ng pamunuan ng bagong five-man Board ng government sports agency.
Kabilang sa pagbalasa ang iba’t ibang departamento sa ahensiya para maisakatuparan ang mga programa ng administrasyon at masiguro ang kapakanan ng mga atleta, higit iyong mga naghahanda na para sa Rio Olympics.
Nakatakda ang Rio Games sa Agosto 5-21.
“The marching order of the President is loud and clear, eradicate red tape and focus on the welfare of the athletes,” pahayag ng nagbabalik na PSC chairman William “Butch” Ramirez.
Matagal nang suliranin ng ahensiya ang mabagal na pag-usad ng dokumento, higit sa “request for support” ng mga national sports associations (NSAs).
“Walang duda na kapag nawala ang red tape, mas mabilis ang takbo ng mga papel at mas mabilis na matutugunan ang pangangailangan ng mga atleta. This problem is an old as the Rizal Coliseum, pero paulit-ulit lang,” pahayag ni Go Teng Kok, honorary president ng athletics association.
“Hopefully, the coming PSC Board acted swiftly and be a pro-athletes not pro-POC,” sambit ni Go.
Kabilang sa ipinangako ni Duterte ang mabilis na pagtugon ng mga ahensiya ng pamahalaan sa pangangailangan ng mamamayaan na tulad ng mariing ipinapatupad niya bilang Mayor sa Davao City pagdating sa pagkuha ng mga dokumento tulad ng working at business permit.
“Problema ng mga atleta ‘yung natutulog sa opisina yung mga ‘request paper’. Bago maaktuhan, tapos na yung tournament o di man nakaalis na yung team,” pahayag ng isang coach na tumangging pangalanan.
Nangako si Ramirez na ibabaon na sa limot ang ganitong sistema.
“We assured the public, particularly the athletes, mapagkalinga ang inyong PSC Board,” sambit ni Ramirez.
Inaasahang bubusisiin din ng grupo ni Ramirez ang ilang hinaing ng mga atleta laban sa kani-kanilang NSA officials, partikular na ang mga inalis sa line-up nang walang konkretong dahilan.
Kabilang na rito ang isyu ni RP No.1 netter Marian Jade Capadocia na inalis sa line-up ni tennis development chief Romeo Magat dahil umano sa hindi pagsunod sa panuntunan ng asosasyon nang lumahok ito sa serye ng torneo sa Europe.
“Mas pinili raw kasi ni Marian ang maglaro sa Europe kesya magtraining sa Pilipinas. Hindi ba mas magandang training yung tournament sa abroad? Ayaw nila kay Marian pero yung mga ipinasok niya sa team puro US-based na tinatalo lang naman ni Marian, saan ang hustisya?,” pahayag ng ina ni Capadocia na si Rosario.
Batay sa sistema na inilatag ng dating PSC Board, tumatanggap ng P40,000 ang mga atleta na nasa “priority” list.
Bukod kay Celia Kiram, nakausap na umano ni Ramirez ang tatlong iba pang bagong commissioner na itinalaga ng Pangulong Duterte tulad nina Ramon Fernandez, Arnold Agustin at Charles Maxey na kasama niya sa Davao Sports Development Office.
“Lahat naman kami iisa lang ang hangarin, tulungan ang Pangulong Duterte na maisulong at maisakatuparan ang kanyang vision at programa para sa sports development,” sambit ni Agustin, kauna-unahang commissioner na nagmula sa grupo ng PSC employee bilang acting chief ng Assistance and Coordination Division.
“Sa tagal natin sa PSC, alam na natin ang tunay na sakit ng ahensiya. I hope I will be a big help sa Board para matugunan ang tunay na problema sa PSC,” sambit ni Agustin.
Nakatakdang magpulong ang mga bagong miembro ng PSC board bukas bago ang transition meeting sa mga dating opisyal.
Magsisimula ang trabaho ng bagong PSC Board matapos manumpa ni Pangulong Duterte sa ganap na 12:00 ng tanghali sa Huwebes (Hunyo 30).