Nagtala ng bagong deadlift world record si Pinay lifter Joan Masangkay sa pagbuhat sa 110.5-kilogram tungo sa pagwawagi ng gintong medalya sa women’s 43-kg. sub-junior division ng 2016 World Classic Powerlifting Championships kamakailan, sa Killeen, Texas, USA.
Inakala ng lahat na tapos na ang laro nang mabuhat ni Alina Chashchyna ng Belarus ang 110kg na isa na ring pandaigdigang marka pero hindi sumuko ang 4-foot-10 Filipina mula sa Masbate upang tabunan ang naturang marka at talunin ang mga karibal mula sa USA, Russia, Japan, at Belarus.
Nakuha rin ni Masangkay ang bronze medal sa Squat Competition sa pamamagitan ng pagbuhat ng 85kg. kung saan nakasungkit din ang kababayan na si Veronica Ompod na gold medal sa Squat-90kg na kahanay din ni Masangkay.
“Sa awa po ng Diyos nasuklian yung paghihirap at sakripisyo namin sa training. Inaalay ko po ang panalo sa ating kababayan pati po kay Pangulong Rodrigo Duterte,” sambit ni Masangkay.
Nagwagi naman ng silver medal si Leslie Evangelista sa Open men’s 47kg category, samantalang ikaapat si Jeremy Reign Bautista sa 52kgs. class deadlift, kahit nalampasan niya ang Asian at National record. - Angie Oredo