Kapwa nagtala ng impresibong panalo sina International Master Paolo Bersamina at Grandmaster John Paul Gomez sa ikawalong round upang magsalo sa liderato sa men’s division ng 2016 National Chess Championships Grand Final-Battle of Grandmasters na ginaganap sa PSC Athletes Dining Hall, sa Rizal Memorial Sports Complex.

Tinalo ni Bersamina ang qualifier na si John Marvin Miciano sa 38 sulong ng Sicilian opening, habang binigo ni GM Gomez, sa pamamagitan ng 32 moves ng English opening, ang GM candidate na si Haridas Pascua para tipunin ang kabuuang 11 puntos.

Nasa likuran ng dalawa sina GM Jayson Gonzales at Rogelio Antonio Jr. na kapwa may natipong 10 puntos, habang magkasalo sa ikalimang puwesto sina GM Eugene Torre at US based Rogelio Barcenilla.

Nakipaghatian ng puntos si Gonzales kay Torre gayundin si Antonio kay IM Chito Garma. Tabla rin ang laro ni GM Darwin Laylo kay NM Hamed Nouri, habang wagi si NM Michael Gotel sa kapwa NM na si Emmanuel Emperado.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Nagtala naman ng dalawang sunod na panalo ang top seed na si Woman IM Janelle Mae Frayna upang mahablot ang solong liderato sa women’s division na nakataya ang silya para sa Philippine Team na sasabak sa Baku 42nd World Chess Olympiad sa Setyembre.

Tinalo rin ng Albay native na si Frayna sina eight seed WFM Allaney Jia Doroy at 10th seed untitled Judith Pineda para makalikom ng 11 puntos, isang puntos na bentahe kay No.8 seed WNM Christy Lamiel Bernales dahil sa kambal niyang draw kina No.6 seed WIM Marie Antoinette San Diego at No.5 seed WIM Jan Jodilyn Fronda. (Angie Oredo)