Itinalagang pre- season favorite, sisimulan ng Arellano University ang kampanya sa pagsagupa sa kapwa heavyweight University of Perpetual sa pambungad na laro ngayong hapon sa ikalawang araw ng NCAA Season 92 men’s basketball tournament sa San Juan Arena.

Tinaguriang “team-to-beat” ang Chiefs matapos umani ng limang titles at isang runner-up finish sa pre-season.

Gayunman, sinabi ni coach Jerry Codiñera na kailangang paghirapan nila ang lahat bago tuluyang maging pangunahing koponan ng liga.

“We have to work hard to be on top.Hindi naman puwedeng makuntento kami sa salita lang,” ani Codiñera.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kinatigan ito ng mga players, sa pangunguna ni Jiovanni Jalalon.

“Kailangan po talaga magtrabaho kami ng husto hindi lang para patunayan yung sinasabi nila na kami ang ‘team to beat’ kundi para makamit namin yung aming target,”sambit ni Jalalon.

Sa panig ng Altas, naghahangad ding makabalik sa Final Four, magsisimula rin ang kampanya ng koponan sa pangangasiwa ng bagong coach na si Jimwel Gican.

Sa pagkawala ng lider na si Scottie Thompson na naglalaro na ngayon sa PBA, maiiwan ang responsibilidad para pamunuan ang team kina GJ Ylagan, Gab Dagangon, Bright Akhuettie, at Gerald Dizon.

Sa ikalawang laro, maghaharap naman ang Emilio Aguinaldo College at College of St. Benilde sa ganap na 4:00 ng hapon matapos ang unang sagupaan na sisimulan ng 2:00 ng hapon. (Marivic Awitan)