ZAMBOANGA CITY – Pinalaya na ng Abu Sayyaf Group (ASG) nitong Huwebes ng gabi ang Pinay na bihag nito na si Marites Flor sa isang hindi binanggit na lugar sa Sulu matapos umanong magbayad ng P20-milyon ransom sa grupong bandido.

Sinabi ni Abu Rami, tagapagsalita ng Abu Sayyaf, na pinalaya si Flor dakong 8:00 ng gabi nitong Huwebes makaraang magbayad ng P20 milyon sa leader ng grupo na si Mujer Yadah.

Si Flor ang fiancée ng Canadian na si Robert Hall, na pinugutan ng Abu Sayyaf nitong Hunyo 13. Hindi pa rin natatagpuan ng awtoridad ang katawan ng dayuhan hanggang ngayon.

Tumanggi naman si Abu Rami na pangalanan ang tao o grupo na nagbayad ng ransom para sa pagpapalaya kay Flor, pero sinabing respetado ito.

Probinsya

Freedivers, inatake ng barracuda sa Batangas

Napaulat na unang dinala si Flor sa bahay ni Sulu Governor Abdusakur “Toto” Tan II sa Jolo.

Sinabi ni Abu Rami na matagal na rin nilang gustong palayain si Flor dahil madalas itong umiiyak at nagrereklamo ng pananakit ng tiyan.

Ayon sa mga ulat, labis ang pasasalamat ni Flor sa mga awtoridad para sa kanyang “ikalawang buhay”. Pinasalamatan din niya ang militar, pulisya at si Tan dahil nailigtas siya nang buhay sa bangungot ng pagkakabihag, kahit nawala sa kanya ang kasintahang si Hall.

Dakong 1:00 ng hapon nang dumating sa Jolo si Presidential Peace Adviser-designate Jesus Dureza para sunduin si Flor, na ihinarap din kay President-elect Rodrigo Duterte sa Davao City.

Setyembre 21, 2015 nang dukutin ng Abu Sayyaf si Flor, kasama si Hall, ang isa pang Canadian na si John Ridsdel, at ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad sa isang resort sa Samal Island.

Unang pinugutan ng Abu Sayyad si Ridsdel, makaraang mabigong magbayad ng ransom, noong Abril 25.

(NONOY LACSON at ELENA ABEN)