TAMPOK sa pagpapatuloy ng ika-25 anibersaryo ng Maalaala Mo Kaya bukas ng gabi ang nakakaantig na kuwento ng buhay ni Courageous Caitie, ang munting anghel na nagpakita ng hindi mapapantayang tibay at tapang sa kabila ng kanyang pambihirang karamdaman.
Si Caitie (gagampanan ni Miel Espinoza) ang unang anak ng mag-asawang sina Tine (Shaina Magdayao) at Jayjay (JC de Vera). Nagkakilala ang mag-asawa pagkatapos mabigo sa mga dati nilang karelasyon.
Maayos na nagsasama ang dalawa nang magkaroon ng misteryosong sakit si Caitie, na noon ay tatlong taon gulang pa lamang. May lumitaw na mga pantal sa kanyang buong katawan. Sa loob ng tatlong buwan ay nagpalipat-lipat ang kanilang pamilya sa tatlong magkakaibang ospital dahil hindi malaman ng mga doktor ang sakit ng bata.
Medyo masama ang medical history ng pamilya ni Jayjay kaya sinisi niya ang sarili sa dinaranas ng anak at si Tine naman ay nawawalan na ng pag-asa at naisip nang tapusin ang kanilang pagsasama. Parehong nabalot ng kalungkutan ang dalawa.
Naibahagi nila ang kanilang pinagdaraanan sa social media. Pagkatapos nilang ilahad ang kuwento ng kanilang anak, nakilala ang kanilang panganay bilang si Courageous Caitie at simula noo’y patuloy nang bumuhos ang suporta sa kanilang pamilya.
Makakasama nina Shaina, JC at Miel sa upcoming episode ng MMK sina Aubrey Miles, Dante Ponce, Aiko Climaco, Bernadette Allyson, Kenzo Gutierrez, at Miko Raval, mula sa script ni Joan Habana ay sa direksiyon ni Dondon Santos.
Ang MMK ay produksiyon sa ilalim ng business unit head na si Malou Santos.
Samahan ang MMK sa paggawa ng mas magagandang alaala sa ika-25 anibersaryo nito at bisitahin ang mmk.abs-cbn.com.
Napapanood din ito tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN HD (SkyCable Channel 167). Panoorin nang libre ang latest episodes nito sa iwantv.com.ph o skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.